Hmmmn Hindi ko gustong mag-discuss tungkol sa sanhi ng mga mga sitwasyong nakikita ko… Dahil siguro kahit sino ang tanungin mo, alam naman ang dahilan. Actually ang mas gustong kong isulat ngayon ay ang mga reaksiyong nakikita ko sa mga taong nilalapitan ng mga taong namamalimos. Heto na!
“IWAS mode”
Ito yung bago pa lang lumapit ang isang namamalimos ay umiiwas na. Alam nito kung nasaan lugar sila madalas na naiisip nilang “rumaket.” Ito marahil ang mga taong umiiwas sa feeling of guilt na maari nilang maramdaman kapag hindi sila nakapagbigay ng limos. Sila rin marahil yung mga taong ayaw makulit, mainitin ang ulo kapag may nangangalabit o sadyang mainitn lang talaga ang ulo. Pag-iwas ang nagiging sagot nila bago pa sila makapag-isip ng anuman (maawa, mainis, magalit o ma-guilty)sa mga taong namamalimos.
“IGNORE mode”
Marami akong nakitang ganito. Dire-diretsong lumalakad, nagmamadali at talagang hindi pansin ang mga taong papalapit sa kanila. Sila kadalasan yung mga taong busy. May dalang mabigat ng grocery o kaya ay may bagong biling damit. Di pansin ang mga taong namamalimos na nakahiga sa kalsada na kulang na lang nga ay mapagkamalan silang kaparte nito. Siyempre, naiisip ko rin na marahil ay binigyan din nila ng pansin ang mga namamalimos. Kasimbilis nga lang ng pagpikit at pagbukas ng talukap ng mata. Isa o dalawang segundo…kasabay ng mabilis na paglakad…at pagpapalit ng iniiisip.
“GIVE mode”
Spirit of giving. Meron din naman nakakaalala. Sila yung mga masisipag na nagbibigay, matanda man o bata basta may baryang makukuha sa bulsa…Minsan nga perang papel pa. Pero kung wala, kahit ano ibibigay pagkain man na kinakain o kakainin pa lang. Kakaunti silang nakikita ko. Yung iba nakikita ko lang na pasimple…following Christ teachings na mas maganda yung nagbibigay ng Siya lang ang nakakaalam ng ginawa mo… Sila yung bihira kung makita… Pero kapag nakita mo naman sila, hindi mo alam kung matutuwa ka o mai-inspire, o magi-guilty din. Kanya- kanyang epekto iyan e. Depende sa tao. Pero kabilib din.
“AGAINST mode”
Ito siguro yung mga taong hindi pabor sa pagbibigay ng limos. Kabilang sa kanila ang ilang propesyunal at yung mga taong ayaw lang na magbigay dahil may sarili silang rason. Hindi ko alam ang inisip nila pero isa maaring dahilan nila na madalas kong naririnig ay… “Mamimihasa lang sila (ang mga namamalimos) kung patuloy mo silang bibigyan. Hindi na sila magta-trabaho.” Totoo naman di ba?
HYBRID MODE
Ito na siguro yung paghahalo-halo ng mga character ng mga tao na sinabi ko. Meron kasing nasa IWAS mode + IGNORE mode. Meron din naman na feel magbigay kung nasa mood ka at marami kang pera tapos IWAS mode or IGNORE mode kapag wala na. Yung iba talagang against sa mga taong namamalimos, dahil marahil iniisip nito na di niya responsibilidad ang bumuhay ng isang taong namamalimos. Pero nagbibigay din naman kapag meron. Kapag nakaramdam ng awa siguro o kaya may okasyon katulad ng pasko at kung anu- ano pa.
Hmmn. Tama kaya ang lahat ng obserbasyon ko? Sa totoo ko lang… hindi ko rin alam. Ginagalang ko ang paraan ng pagpapasya ng tao. Pag-iisip kasi nila yun…hindi sa akin. May sarili rin akong desisyon ukol sa pagbibigay ng limos. Pero mamarapatin ko na lang manahimik. Pero para sa akin, maaring maghalo ang mga character na nabanggit ko sa itaas…Depende sa mga paniniwala niya. Ang tanong kung ano ang tama o mali sa lahat…hindi ko sasagutin…kasi sa ang pagiging tama o mali ay relative. Relative saan? Sa maraming bagay… Sila na siguro ang makakasagot nun.
Teka tanong lang...
Nasubukan mo na bang manlimos?
Comments